MANILA — Mahigit 103,000 Pilipino ang lumahok sa ginanap na nationwide International Coastal Cleanup (ICC) ngayong taon, kung saan mahigit 466,000 kilo ng basura ang nakolekta mula sa 369 coastal, river, waterway at underwater cleanup sites sa buong bansa.
Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang aktibidad na nilahukan ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, paaralan, negosyo, civic groups, komunidad at iba pang organisasyon.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” T. Cuna, mahalaga ang pananagutan ng bawat Pilipino sa wastong pamamahala ng basura.
“Responsibility transforms policies into practice,” ani Cuna, na binigyang-diin ang kahalagahan ng indibidwal na pagkilos upang maisulong ang mas maayos na waste management sa bansa.
Sa Metro Manila, mahigit 36,000 kalahok ang nagsagawa ng cleanup sa 11 lugar, kabilang ang Baseco Beach, Manila Bay Dolomite Beach, Manila Ocean Park, Pasig River sa Barangay 836, Las Piñas-Parañaque Wetland Park, SM by the Bay, Marikina River at ASEANA Business Park.
Kabilang sa mga nakolektang basura ang food wrappers, paper at plastic cups at plates, styrofoam food containers, straw, stirrers at iba pang itinapong materyales.
Matapos makolekta, ang mga basura ay tinimbang, pinaghiwa-hiwalay ayon sa uri at itinala upang makatulong sa pagtukoy ng mga pattern ng marine litter at pagpaplano ng mga hakbang para sa waste management.
Binigyang-diin din ng DENR ang papel ng pribadong sektor, partikular ng mga kumpanyang saklaw ng Extended Producer Responsibility (EPR) Act of 2022 o Republic Act No. 11898, na nag-aatas sa malalaking negosyo na unti-unting dagdagan ang pagbawi sa plastic packaging na kanilang inilalabas sa merkado.
Samantala, nanawagan din ang DENR ng pagpapatibay sa sistema ng solid waste management sa bansa kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-update ang Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
Ayon sa DENR, dapat palakasin ang buong waste management system—mula sa segregation at collection hanggang recycling, resource recovery, treatment at ligtas na disposal.
Noong nakaraang taon, mahigit 104,000 volunteers ang lumahok sa nationwide cleanup at nakalikom din ng mahigit 466,000 kilo ng solid waste.
Giit ng DENR, mahalaga ang patuloy na pakikilahok ng mga boluntaryo, ngunit mas makabuluhang sukatan ng pangmatagalang pag-unlad ang dami ng basurang napipigilan na makarating sa mga ilog, dagat at iba pang waterways.
