Enchanted Kingdom, ipinagdiriwang ang ika-31 anibersaryo sa pamamagitan ng bagong AGILA experience at OPM concert

Enchanted Kingdom, ipinagdiriwang ang ika-31 anibersaryo sa pamamagitan ng bagong AGILA experience at OPM concert

Ipinagdiriwang ng Enchanted Kingdom (EK) ang ika-31 anibersaryo nito ngayong Oktubre sa pamamagitan ng mga bagong karanasan sa AGILA The EKsperience: SARIBUHAY at isang gabi ng musikang OPM.

Bilang bahagi ng selebrasyong “Fiesta ng Saribuhay,” ilulunsad ng EK sa Oktubre 17 ang mga bagong pre- at post-show experience ng AGILA na naglalayong itampok ang likas na yaman at biodiversity ng Pilipinas.

Kabilang sa mga bagong tampok ang “Kwento ng Agila,” isang immersive walkthrough na matatagpuan sa entrada ng AGILA building. Dito, matututuhan ng mga bisita ang inspirasyon sa likod ng atraksyon, ang kahulugan ng disenyo ng gusali, at ang pagbuo nito ng isang all-Filipino team.

Itatampok din sa walkthrough ang Philippine eagle o agila, kabilang ang likas nitong tirahan, mga species na bahagi ng ecosystem nito, at ang lifecycle ng ibon na kabilang sa mga critically endangered species sa mundo.

Bahagi rin ito ng patuloy na suporta ng EK sa pangangalaga sa Philippine eagle, kabilang ang pag-ampon at pagsuporta sa pag-aalaga at pagpaparami kay Enchanting Kagitingan, isang lalaking Philippine eagle, sa pakikipagtulungan sa Philippine Eagle Foundation.

Magkakaroon din ng augmented reality (AR) experience sa landing queue patungo sa Enchanted Forest na maaaring maranasan gamit ang smartphones ng mga bisita.

Samantala, binigyan din ng bagong direksiyon ang PUGAD, ang in-house concept store ng AGILA, na ngayon ay pagsasamahin ang entertainment at learning upang mas mapalawak ang karanasan ng mga bisita.

Mananatiling bukas at magagamit ng mga bisita ang kasalukuyang pasilidad ng atraksyon, habang opisyal namang ilulunsad ang mga bagong bahagi nito sa Oktubre 17.

OPM concert, tampok sa ika-31 anibersaryo

Kasabay ng anibersaryo ang Fiesta ng Saribuhay Concert sa Oktubre 17 sa Spaceport Grounds.

Tampok sa konsiyerto sina award-winning R&B hitmaker Dionela, rising P-pop girl group XONARA, indie band Sacred Red, at iba pang mga bagong artist. Makikibahagi rin sa pagtatanghal ang homegrown talents ng EK na SMS at Kingsmen.

Susundan ito ng “Lipad ng Agila: A Pyromusical Fiesta,” kung saan magtatampok ang EK ng makukulay na pyrotechnic display at mga imaheng sumasalamin sa tema ng selebrasyon.

Tuwing weekend ng Oktubre, tampok din ang Fiesta ng Saribuhay Anniversary Parade, kung saan makakasalamuha ng mga bisita ang EK Storyverse Characters sa iba’t ibang themed zones ng parke.

Sa Oktubre 17, sasali rin ang mga streetdance performers sa parada bilang bahagi ng prelude sa anniversary concert.

Fun run at iba pang aktibidad

Sa Oktubre 11, isasagawa naman ang Run to 31: Takbo ng Saribuhay, isang fun run na naglalayong pagsamahin ang fitness, pagkakaisa at pagpapahalaga sa biodiversity. Isinasagawa ito katuwang ang United RSBS Boulevard Stakeholders Federation (URSF).

May mga rutang 1.5K, 3K at 5K para sa mga nais lumahok.

Samantala, ilalabas din ng SMS ang kanilang rendition ng “Lipad,” habang nag-record naman muli ang Kingsmen ng festive version ng kanilang kantang “Saribuhay.” Parehong magiging available ang mga kanta sa major music streaming platforms.

May iba pang seasonal activities na maaaring puntahan sa Agila Grounds, kabilang ang Ube-Matcha Festival mula Oktubre 14 hanggang 18 at Palarong Pinoy, na tampok ang iba’t ibang tradisyonal na larong Pinoy.

Nadagdagan din ang food options sa parke sa pagpasok ng mga bagong tenant partner. Kabilang dito ang Minimelts na inilunsad noong Setyembre at Mango Royal na nakatakdang magbukas sa Oktubre 3.

Inilunsad ang muling pagbuo sa AGILA The EKsperience: SARIBUHAY noong Oktubre 2025 upang higit na bigyang-diin ang sustainability at pagpapahalaga sa likas na pamana ng Pilipinas. Noong Enero 2026, kinilala rin ito bilang Best ASEAN New Tourism Attraction ng ASEAN Tourism Association (ASEANTA).

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ika-31 anibersaryo ng Enchanted Kingdom at iba pang aktibidad nito, maaaring bisitahin ang opisyal na website at social media accounts ng parke.

Maaaring magbago ang mga iskedyul nang may paunang abiso.

Reference: Allen Dalusong

 

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *