DENR Express inilapit ang serbisyo sa mahigit 10,000 kliyente sa unang limang buwan

DENR Express inilapit ang serbisyo sa mahigit 10,000 kliyente sa unang limang buwan

 

Nagsilbi sa mahigit 10,000 kliyente at nakapag-isyu ng libo-libong environmental permits at clearances sa buong bansa ang flagship program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na “DENR Express: Permitting on Wheels” sa unang limang buwan nito mula nang ilunsad noong Abril 2026.

Layunin ng programa na ilapit sa mga komunidad, micro, small and medium enterprises (MSMEs), at project proponents ang mga serbisyo ng DENR sa environmental permitting, technical assistance at compliance guidance, upang mabawasan ang gastos, oras at paulit-ulit na pagpunta sa mga tanggapan ng pamahalaan – mga hamong karaniwang kinakaharap ng mga aplikante ng mga environmental permit at clearance.

Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, ang DENR Express ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas abot-kamay at masinop sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko ang mga serbisyo ng pamahalaan.

“May malinaw na bilin ang Pangulo: ilapit ang serbisyo sa tao, gawing mas madali at mas mabilis ang mga proseso, at gumawa ng mga hakbang upang mas gumaan ang buhay ng ating mga kababayan—lalo na sa gitna ng mga kasalukuyang hamon,” ani Secretary Cuna.

Inihahatid ng DENR Express ang mga serbisyo ng ahensya sa mga kabayanan upang magbigay ng harapang tulong sa mga aplikante, agarang pagsusuri at beripikasyon ng mga dokumento, gabay sa paggamit ng online application systems, at mas mabilis na pagproseso ng ilang kwalipikadong permits at clearances.

Mula Abril hanggang Agosto 2026, umabot sa 10,776 kliyente ang natulungan ng DENR Express sa buong bansa. Sa parehong panahon, nakapag-isyu ito ng 2,852 environmental permits at clearances, kabilang ang 194 Environmental Compliance Certificates (ECCs), 682 Certificates of Non-Coverage (CNCs), 595 Pollution Control Officer (PCO) accreditations, 473 Wastewater Discharge Permits, 423 Hazardous Waste Generator (HWG) ID registrations, 379 Permits to Operate (PTOs), 85 Permits to Transport (PTTs), at 21 Chemical Control Order (CCO) registrations.

Bukod sa pag-isyu ng permits at clearances, nakapagbigay rin ang DENR Express ng 2,302 direct assistance transactions upang matulungan ang mga aplikante sa mga teknikal, regulasyon at administratibong usapin. Kabilang dito ang assistance sa Self-Monitoring Report at Compliance Monitoring Report online systems, company registration, cashier payment services, legal inquiries at records requests.

Nakatulong din ang programa na pabilisin ang processing time ng ilang environmental regulatory services. Ang PCO accreditation, halimbawa, ay napababa mula sa karaniwang 14 araw tungo sa dalawang araw—12 araw na mas mabilis kaysa sa dating proseso.

Mula naman pitong araw, naging dalawang araw na lamang ang processing ng Hazardous Waste Generator ID, habang ang CNC processing, mula sa anim na araw ay napababa sa tatlong araw. Ang processing ng ECC ay nabawasan din kung saan ang 13 araw na proceso ay maaaring matapos ng 10 araw na lamang.

Naging posible ang mas mabilis na serbisyo dahil sa pagiging face-to-face ng DENR Express. Sa mismong mobile service hubs, agad na natutukoy ng mga technical personnel ang mga kulang na dokumento o iba pang kakulangan sa aplikasyon at naipapaliwanag sa mga aplikante kung paano ito maaayos. Dahil dito, nababawasan ang pangangailangang bumalik nang paulit-ulit sa mga tanggapan ng DENR o Environmental Management Bureau (EMB).

Bagama’t pangunahing environmental permits na ipinagkakaloob ng EMB ang kabilang sa naitalang accomplishments, nagsasama rin ang Permitting on Wheels ng iba pang tanggapan ng DENR upang makapagbigay ng serbisyo gaya ng tree cutting permits, land patent issuance, at mga katanungan ukol sa pagmimina, wildlife, at iba pa.

“Instead of stakeholders going to the government, the DENR is bringing its services closer to the citizens, across different LGUs,” ani Secretary Cuna, na binigyang-diin ang pagbabago sa paraan ng paghahatid ng serbisyo ng ahensya.

Kabilang sa mga nakikinabang sa DENR Express ang mga ordinaryong mamamayan, wildlife owners, Pollution Control Officers at Environmental Officers ng mga kumpanya..

Higit pa sa frontline service, nagsisilbi rin ang programa bilang feedback mechanism ng DENR. Ang mga problemang natutukoy sa mga onsite activity ay maaaring gamitin ng ahensya upang mapahusay ang online systems, guidance materials, documentary requirements at administrative workflows, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Layunin ng DENR na ipagpatuloy at gawing regular na serbisyo ng pamahalaan ang DENR Express sa pamamagitan ng angkop na policy issuances, regular na deployment at mas matibay na koordinasyon sa mga local government unit (LGU) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng DENR Express, layunin ng ahensya na gawing mas madaling ma-access ang environmental compliance habang pinananatili ang mga safeguard na itinatadhana ng batas. Sa pagdadala ng technical assistance at permitting services sa mismong mga komunidad, nababawasan ang hindi kailangang biyahe, paulit-ulit na transaksyon at pagkaantala, habang sinusuportahan ang economic activity at responsableng pangangalaga sa kapaligiran.

Reference: Mersha DENR

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *