Scam Watch Pilipinas, suportado ang proteksiyon sa mga bata online, pero tutol sa blanket social media ban

Scam Watch Pilipinas, suportado ang proteksiyon sa mga bata online, pero tutol sa blanket social media ban

Sinusuportahan ng Scam Watch Pilipinas ang pagpapalakas ng proteksiyon sa mga bata sa internet, ngunit iginiit nitong hindi sapat na solusyon ang pagbabawal sa mga menor de edad na gumamit ng social media.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Senado sa panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad na 18 taong gulang pababa.

Ayon sa grupo, kailangang tugunan ang mga panganib sa online platforms sa halip na ipasa lamang sa mga gumagamit ang responsibilidad para sa kanilang kaligtasan.

Kabilang sa mga panganib na kinakaharap ng mga bata online ang mga scam, online grooming, cyberbullying, sexual exploitation, mapaminsalang content at mga algorithm na maaaring maglantad sa kanila sa mapanganib na mga materyal.

Binigyang-diin ng Scam Watch Pilipinas na hindi sapat ang pagtatakda lamang ng minimum age requirement kung mahina naman ang pagpapatupad nito. Halimbawa, maaari pa ring makaiwas sa age restrictions ang mga menor de edad sa pamamagitan ng pagpapalit ng kanilang birthday information, paggawa ng panibagong account, paggamit ng account ng ibang tao o paglipat sa ibang platform.

Dahil dito, nanawagan ang grupo ng mas mahigpit na age-assurance systems, mas epektibong parental controls, mas mabilis na pagtanggal ng mapaminsala at mapanlinlang na content, at mas matinding aksiyon laban sa mga account na ginagamit sa pananamantala sa mga bata.

Mahalaga rin anila ang pagkakaroon ng malinaw at madaling ma-access na reporting channels para sa pamahalaan, mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas at mga biktima.

Gayunman, iginiit ng grupo na dapat mapangalagaan ang privacy sa pagpapatupad ng age verification. Hindi anila dapat malutas ang isang problema sa pamamagitan ng paglikha ng panibagong panganib na maaaring magpilit sa mga bata na magbigay ng mas maraming personal na impormasyon.

Binigyang-diin din ang papel ng mga magulang, paaralan, pamahalaan at social media platforms sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga bata online. Kabilang dito ang pagtuturo ng online safety, digital literacy at scam awareness sa murang edad.

Para sa Scam Watch Pilipinas, mahalagang matutuhan ng mga bata kung paano kumilala ng panganib, protektahan ang kanilang sarili at humingi ng tulong.

Sinusuportahan ng grupo ang regulasyon at mas mahigpit na proteksiyon para sa mga bata, ngunit iginiit na dapat samahan ang mga paghihigpit ng epektibong pagpapatupad ng mga patakaran, pananagutan ng mga platform at edukasyon.

Sa halip na umasa lamang sa pagbabawal, dapat gawing mas ligtas ang digital na mundo para sa mga bata.

Reference: Jocel de Guzam

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *