Nagpahayag ng pagkabahala si Congressman Mark Cojuangco at ang grupong Alpas Pinas sa posibilidad na ibenta ng pamahalaan sa pribadong kumpanya ang Philippine Nuclear Power Plant (PNPP), dahil maaari umano itong magdulot ng karagdagang pagkaantala sa muling pagpapagana ng pasilidad.
Matatandaang inanunsyo kamakailan ng Department of Energy (DOE) na bukas ang pamahalaan sa posibilidad na ibenta ang PNPP sa isang pribadong kumpanya. Kasunod ito ng positibong resulta ng feasibility study na isinagawa ng South Korea hinggil sa potensyal na muling pagpapatakbo ng naturang planta.
Gayunman, naniniwala si Cojuangco, isang pangunahing tagapagtaguyod ng nuclear energy at chairman ng Special Committee on Nuclear Energy sa Kamara, na maaaring lalo lamang mapatagal ng pagbebenta ang proseso ng rehabilitasyon at muling pagpapagana ng PNPP.
“We are concerned that this proposed direction could further delay action on the country’s growing energy needs. Habang tumatagal, lalo tayong mapag-iiwanan,” ani Cojuangco.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na bumuo ng malinaw at konkretong plano para maisulong ang muling pagpapagana ng PNPP at magamit ang nuclear energy bilang karagdagang pinagkukunan ng kuryente na magpapalakas sa pambansang power grid.
Binigyang-diin din ng kongresista na mahalagang mapanatili sa kamay ng mga Pilipino ang pagmamay-ari at kontrol sa naturang pasilidad.
Ayon sa kanya, hindi lamang usapin ng pagmamay-ari ang pagbebenta sa PNPP kundi pati na rin ang kakayahan ng bansa na magtakda ng direksyon para sa kinabukasan ng sektor ng enerhiya.
Samantala, nagpahayag din ng pagtutol sa posibilidad ng pagbebenta ang Alpas Pinas, isang non-stock, non-profit organization na nagsusulong sa paggamit ng nuclear energy bilang malinis at napapanatiling pinagkukunan ng kuryente.
Ayon kay Dr. Gayle Certeza, lead convenor ng Alpas Pinas, dapat unahin ng pamahalaan ang pagpapalawak at pag-iiba-iba ng pinagkukunan ng enerhiya upang matugunan ang paulit-ulit na kakulangan sa suplay ng kuryente at mataas na presyo nito sa bansa.
“Ang dapat nating bigyang-prayoridad ngayon ay kung paano natin mapag-iiba-iba ang ating energy mix upang matugunan ang pangangailangan ng bansa,” pahayag ni Certeza.
Ipinunto rin niya ang Bangladesh bilang halimbawa ng bansang nagpapatuloy sa pagtatayo ng kauna-unahan nitong nuclear power generation facility sa pamamagitan ng Rooppur Nuclear Power Plant.
Para sa Alpas Pinas, nagsisilbi itong paalala na kailangang kumilos nang seryoso ang Pilipinas hinggil sa potensyal na paggamit ng PNPP upang hindi mahuli sa pag-unlad ng nuclear energy sa ibang mga bansa.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa kuryente, naninindigan sina Cojuangco at ang Alpas Pinas na dapat ituring ang PNPP bilang isang mahalagang oportunidad upang mapalakas ang seguridad sa enerhiya at magkaroon ng mas malawak at mas maaasahang pinagkukunan ng kuryente ang Pilipinas.
Reference: Elliz Perdigones