PAGGAGAMITAN ng Department of Agriculture at Philippine Space Agency ang satellite technology at artificial intelligence para mas mabilis na matukoy ang pinsala sa mga sakahan at mapalakas ang seguridad sa pagkain.
Sa ilalim ng limang taong partnership ng dalawang ahensya, gagamitin ang Earth observation at geospatial technology sa pagmamanman ng mga pananim, pagmamapa ng mga lugar na apektado ng baha at tagtuyot, pagpaplano ng irigasyon, at pagtataya ng ani.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang satellite data para makagawa ng mas maaga at mas tumpak na desisyon, lalo na sa harap ng mga panganib dulot ng climate change.
Plano rin ng DA na magtalaga ng mga field validator sa buong bansa para beripikahin sa lupa ang impormasyong nakukuha mula sa satellite.
Sinabi naman ng DA na maaari ring gamitin ang teknolohiya sa pagtukoy ng mga peste at sakit ng pananim, pagsusuri sa kondisyon ng lupa, at pagmamanman sa pangisdaan.
Bahagi rin ng plano ang paggamit sa satellite mapping upang matukoy ang mga lugar kung saan maaaring imbakin ang sobrang tubig-baha at magamit sa panahon ng tagtuyot.

