Naglabas ng opisyal na pahayag si Laguna First District Representative Ann Matibag kaugnay ng mga isyung ibinato ni Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Duterte tungkol sa mga infrastructure project sa kanyang distrito.
Ang pahayag ni Matibag ay kasunod ng panawagan ni Duterte na dapat maging patas ang imbestigasyon sa mga umano’y ghost o substandard flood control project at hindi lamang tumuon sa isang lugar. Partikular niyang tinanong ang mga proyekto sa Laguna First District, kung saan kinatawan si Matibag.
Iginiit naman ng NBI na hindi lamang sa Davao nakatuon ang kanilang imbestigasyon at may iba pang lugar na sinusuri kaugnay ng mga flood control project. Hinamon din ni NBI Director Melvin Matibag si Duterte na magsampa ng reklamo kung mayroon itong ebidensyang magpapatunay sa mga alegasyon laban sa mga proyekto sa Laguna.

