Humihingi ng buong accounting sa PhilHealth ang tatlong local government unit sa Pangasinan kaugnay ng pondong nakalaan para sa primary care ng kanilang mga residente
Pormal na nagsumite ng joint petition na pinangunahan ni Atty. Hue Jyro U. Go, tagapagsalita ng mga alkalde sa PhilHealth Head Office sa Pasig City ang mga kinatawan ng Bayambang, Urdaneta City at Malasiqui upang malinawan sa daloy at paggamit ng pondo sa ilalim ng province-wide health system ng Pangasinan
Ayon sa mga LGU, nasa ₱1,700 ang pondong nakalaan kada kuwalipikadong benepisyaryo, ngunit tinatayang ₱340 lamang ang direktang napupunta sa LGU habang nasa ₱1,360 ang napapabilang sa provincial pool o Special Health Fund.
Dahil dito, hinihingi ng tatlong LGU ang dokumentadong accounting kung magkano ang pondong nakalaan sa kanilang mga residente, magkano ang napunta sa provincial pool, magkano ang aktuwal na ginastos para sa kanilang mga constituent at magkano pa ang natitirang balanse.
Kasama rin sa hinihinging records ang beneficiary counts, PhilHealth remittances, Special Health Fund credits, allocations, transfers, releases, obligations at disbursements.
Kinukuwestiyon din ng mga LGU ang branding ng mga serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng GUIConsulta, at nais nilang malinaw na matukoy kung alin sa mga benepisyo ang pinondohan ng PhilHealth at alin ang mula sa provincial o local government.
Iginiit naman ng tatlong LGU na hindi dapat maantala ang PhilHealth benefits at iba pang serbisyong pangkalusugan habang inaayos ang usapin sa accounting.
Hinihiling nila ang isang certified reconciliation ng mga rekord upang matukoy kung saan napunta ang pondong para sa kanilang mga residente at kung magkano ang natitira.

