Nagbabala ang mga kalahok sa isang national summit sa posibleng paglawak ng ilegal na kalakalan ng vape at iba pang nicotine products kung tataasan ang buwis sa mga legal na alternatibo nang hindi kasabay ang mas mahigpit na kampanya laban sa mga produktong hindi nabubuwisan
Sa 2nd National Summit on Nicotine and Harm Reduction, binigyang-diin ng mga consumer group, medical expert at kinatawan ng industriya ang ugnayan ng presyo, pagbubuwis at pag-access ng mga consumer sa nicotine products.
Ayon sa mga kalahok, maaaring lumipat ang ilang consumer sa mas murang produktong ilegal kung magiging mas mahal ang mga legal na vape at smoke-free alternatives dahil sa mas mataas na buwis.
Batay sa pag-aaral ng European Union-Association of Southeast Asian Nations Business Council (EU-ABC) at Euromonitor International na binanggit sa summit, tinatayang apat sa bawat limang e-vape sa merkado ay hindi nabubuwisan.
Tinatayang ₱141 bilyon naman ang excise tax revenues na hindi nakolekta ng pamahalaan dahil sa illicit tobacco at vapor trade noong 2024 at 2025, ayon sa parehong pag-aaral.
Dahil dito, nanawagan ang mga kalahok para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon laban sa ilegal na kalakalan kasabay ng pagbuo ng polisiya sa pagbubuwis.
“Ang polisiya ay dapat nakabatay sa ebidensya at sa antas ng panganib,” ani Ka Anton Israel ng Nicotine Consumers Union of the Philippines.
Samantala, sinabi ni Joey Dulay, pangulo ng Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA), na hindi dapat tingnan ang smoke-free alternatives bilang karagdagang pagkukunan lamang ng kita ng pamahalaan.
Para naman kay Dr. Lorenzo Mata, pangulo ng Philippine Tobacco Harm Reduction Advocates (PHILTRA) at co-convenor ng Quit For Good, maaaring magkaroon ng epekto sa consumer behavior ang kabuuang pagbabawal sa mga alternatibong nicotine products.
Tinalakay rin sa summit ang mga karanasan ng Sweden, United Kingdom, New Zealand at Japan kaugnay ng paggamit ng smoke-free alternatives at pagbabago sa smoking rates.
Bukod sa isyu ng buwis at ilegal na kalakalan, nanawagan din ang mga kalahok ng mas mahigpit na pagpapatupad laban sa access ng mga kabataan sa nicotine products.
Ipinunto ng mga kalahok na sa pagbuo ng bagong polisiya, kailangang isaalang-alang hindi lamang ang potensyal na kita mula sa buwis kundi pati ang epekto nito sa presyo, consumer access at paglaban sa ilegal na merkado.

