NHA, NAGKALOOB MGA BAGONG TAHANAN PARA SA MANILA ‘TUNNEL COMMUNITY’ SA BULACA
Pinangunahan ng National Housing Authority (NHA), sa pamamagitan ni General Manager Joeben A.
Tai, ang pormal na turnover ng mga ligtas na tahanan para sa mga pamilya mula sa Manila “Tunnel Community” sa isinagawang aktibidad sa San Ildefonso, Bulacan.
Kasama ni NHA GM Tai sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon T. Gatchalian at Mayor Fernando “Gazo” S. Galvez Jr. sa pagtanggap sa unang batch ng mga benepisyaryo, na binubuo ng 49 na pamilya, sa kanilang mga bagong tahanan sa St. Ildephonsus Village.
Pinangunahan din nila ang paggawad ng Certificates of Eligibility for Lot Allocation (CELA), at sinamahan ang mga benepisyaryo sa pag-inspeksyon ng kani-kanilang mga tahanan, bilang pagtitiyak na pagmamay-ari na nila ang mga ito.
Ibinahagi ni Diosdado Florendo, 58, isa sa mga benepisyaryo, na mahigit 30 taon siyang nanirahan sa “Tunnel Community” simula nang siya’y mag-asawa. Ayon sa kanya, naging mahirap ang kanilang kalagayan tuwing may sakuna, lalo na kapag bumabaha, kung kaya’t napipilitan silang lumikas at manatili sa gitna ng Skyway (South Luzon Expressway) hanggang sa humupa ang baha.
“Mahirap talaga ang buhay sa ilalim ng tulay,” pagbabahagi ni Florendo.
Nagpasalamat din siya kay GM Tai, na aniya’y naging isa sa mga naging instrumento upang maibigay sa kanila ang pabahay na hindi nila inaasahan.
“(Kay) General Manager Joeben Tai, maraming salamat din dahil isa siya sa naging instrumento para maibigay sa amin ang (pabahay). ‘Di namin inaasahan ito. Mababago na namin ngayon ang dating nakamulatan,” dagdag pa niya.
Bukod sa mga housing unit, inanunsyo rin ni GM Tai sa kanyang mensahe ang pagtatayo ng isang tatlong palapag na paaralan na may 12 silid-aralan sa loob ng komunidad, na magsisilbing karagdagang suporta sa mga pamilya para sa paglipat sa kanilang mga bagong tahanan. Hinimok din niya ang mga benepisyaryo na pahalagahan ang kanilang mga bagong tahanan, kung saan dito ay binigyan-diin niya na ang housing initiative ay nakaayon sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mabigyan ang mga pamilya ng bagong tahanan at isang bago at disenteng buhay.
“Sana po ay mahalin ninyo ang inyong mga bahay, huwag na huwag ninyo pong ibebenta ’yan,” ani GM Tai. “Ang pangarap po niya ay magkaroon kayo ng bagong bahay at magkaroon ng desente at bagong buhay,” dagdag niya.Patuloy na nakikipagtulungan ang NHA, na isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng ligtas na mga tahanan at pagtatatag ng mga sustenableng komunidad tungo sa pagsasakatuparan ng Bagong Pilipinas.

