Upang maiwasan at mabawasan ang mga panganib sa kapaligiran, pagkasira ng yamang-dagat, sunog sa kagubatan, at kakulangan sa tubig dulot ng tumataas na temperatura, pinaiiral na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang sistema ng maagang babala na gumagamit ng Automated Weather Stations (AWS), satellite-based heat stress mapping, at Geographic Information System (GIS)-based risk modeling.
Sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga datos hinggil sa panahon at karagatan tungo sa mga babalang magagamit sa aktuwal na operasyon, natutulungan ng DENR ang mga lokal na pamahalaan (LGU), tagapamahala ng suplay ng tubig, at mga kawani sa mga lugar na apektado na maagap na matugunan ang mga lokal na banta dulot ng climate change at mapalakas ang pangangalaga sa tubig.
Binigyang-diin ni DENR Secretary Juan Miguel “Mitch” T. Cuna ang mahalagang papel ng makabagong teknolohiya sa maagang pagtukoy sa mga epekto ng matinding pagbabago ng klima.
“In an era of accelerating climate extremes, timely information saves ecosystems and lives,” pahayag ng Kalihim. “By deploying satellite-based heat stress tracking for coral reefs in Aurora, processing Automated Weather Station data to map fire hazards in the Agusan Marsh, and running Red Flag alert systems in Region 1, the DENR is replacing reactive measures with precision early warning.”
Sa Gitnang Luzon, sunod-sunod na naglabas ang DENR Region 3 ng Coral Bleaching Alert Updates noong Mayo, Hunyo, at Hulyo 2026, batay sa pagsusuri ng stress dulot ng mataas na temperatura sa ibabaw ng dagat o Sea Surface Temperature (SST). Gumamit ang pagsusuri ng satellite-derived data mula sa Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) at National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA).
Dahil umabot sa Coral Bleaching Alert Level 1 ang temperatura ng karagatan sa baybayin ng Aurora, inatasan ni Regional Executive Director Engr. Ralph C. Pablo ang mga Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Aurora, Bataan, at Zambales na magsagawa ng aktuwal na pagsubaybay sa mga coral reef at agarang pag-ulat ng mga insidente ng coral bleaching sa pamamagitan ng Philippine Coral Reef Bleaching Report Portal.
Sa Rehiyon 1 o Ilocos Region, nagtatag ang DENR ng pinagsamang Red Flag Alert System na direktang nakaugnay sa DOST-PAGASA at mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO). Kabilang sa sistema ang 10 estratehikong himpilan ng mga forest ranger na may mga lookout tower upang maagang matukoy ang mga palatandaan ng sunog sa mga kagubatan at iba pang likas na lugar.
Sa Mindanao, ginamit ng Protected Area Management Office (PAMO) ng Agusan Marsh Wildlife Sanctuary sa Caraga ang datos mula sa Automated Weather Station upang tuloy-tuloy na masubaybayan ang lokal na heat index, kakulangan sa pag-ulan, at pagbabago sa antas ng tubig. Dahil sa real-time na datos, nakabuo ang mga opisyal ng PAMO ng high-resolution peatland fire risk maps at nakapagtalaga ng mga patrol sa mga lugar na highly vulnerable.
Sa Bicol Region, araw-araw na sinusubaybayan ng mga tanggapan ng DENR sa Catanduanes at Masbate ang datos mula sa AWS. Kabilang sa kanilang minomonitor ang mga tuyong bahagi ng kagubatan, natutuyong sapa, mabababaw na bahura, at mga palatandaan ng kakulangan sa tubig. Ginagamit ang impormasyong ito upang makabuo ng mga lokal na babala sa tagtuyot at makapagpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig sa mga barangay na agrikultural at baybayin.
“At the same time, we are strengthening water conservation and resource management efforts to help communities and institutions cope with the growing risks of drought and water scarcity,” saad ni Secretary Cuna. “We are equipping our field teams and local chief executives with real-time environmental intelligence to safeguard our forests, coral reefs, water resources, and coastal communities before severe damage occurs.”
Bukod sa pagsubaybay sa mga ekosistema, pinalalakas din ng DENR ang mga programa para sa mahusay na paggamit ng tubig at seguridad sa suplay nito habang patuloy na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang matagal na tagtuyot kaugnay ng El Niño. Inatasan ang mga regional offices na suportahan ang mga hakbang sa pagtitipid ng tubig, maghikayat ng mas matipid na paraan ng paggamit ng tubig, subaybayan ang mga palatandaang pangkapaligiran na may kaugnayan sa suplay nito, at bigyang-prayoridad ang mga lugar na nakararanas o nanganganib sa kakulangan sa tubig, mahabang panahon na walang ulan, at tagtuyot.
Pinaalalahanan din ng DENR Central Office ang lahat ng regional offices na tiyaking tuloy-tuloy ang pagpapadala ng datos mula sa lahat ng AWS; ang lingguhang pagsumite sa national portal ng mga ulat sa kalagayan ng mga coral reef batay sa pagsusuri ng monitoring teams; at patuloy na paggamit ng datos sa pagmomonitor sa kapaligiran bilang batayan ng paghahanda sa tagtuyot, mas mahusay na paggamit ng tubig, at mga hakbang sa pag-adapt sa climate change.
Reference: Mersha DENR

