DepEd at CHED, nagbigay ng scholarship sa 230 kawani para dagdag na guidance counselors

DepEd at CHED, nagbigay ng scholarship sa 230 kawani para dagdag na guidance counselors

DUMAGUETE CITY, 13 Oktubre 2026 — Nagkaloob ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ng scholarship sa unang batch ng 230 kawani ng mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng hakbang upang tugunan ang kakulangan ng mga lisensyadong guidance counselor at mental health professional sa basic education.

Ang mga iskolar ay benepisyaryo ng Learning Initiatives for Nurturing Guidance Associates and Counselors Program (LINGAP), isang pinagsamang programa ng DepEd at CHED na naglalayong suportahan ang graduate studies at propesyonal na pagsasanay ng mga kawani ng DepEd sa Guidance and Counseling at Psychology.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang pagkakaroon ng mga kuwalipikadong guidance counselor upang mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, lalo na kasunod ng mga kamakailang insidente na may kaugnayan sa kaligtasan sa mga paaralan.

Binigyang-diin ni Angara ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtulungan upang matiyak na ligtas at may malasakit ang mga paaralan para sa mga mag-aaral.

“Muli nating isinasabuhay ang panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos na kailangan nating magtulungan upang matiyak na ligtas, maayos, at tunay na nurturing ang ating mga paaralan. At para magkaroon ng ganitong learning environment, kailangang may taong handang makinig, umunawa, at maging sandalan ng ating mga learners,” pahayag ni Angara.

Sinabi rin ng Kalihim na maraming posisyon para sa guidance counselor sa buong bansa ang nananatiling bakante dahil sa kakulangan ng mga aplikanteng may kinakailangang lisensya.

Para sa Academic Year 2026–2027, naglaan ang pamahalaan ng P182.055 milyon para sa 870 scholarship slots sa ilalim ng General Appropriations Act.

Matapos ang masusing pagsusuri, 327 nominado ang pinili ng DepEd, kung saan 230 ang inindorso sa CHED bilang mga iskolar.

Sasagutin ng scholarship ang matrikula at iba pang bayarin sa paaralan. Makakatanggap din ang bawat iskolar ng P30,000 buwanang allowance at research allowance na hanggang P150,000.

Pagkatapos ng kanilang graduate studies, kinakailangang kumuha ng licensure examination ang mga iskolar at tuparin ang kanilang obligasyong maglingkod sa mga pampublikong paaralan.

Hinimok ni Angara ang mga benepisyaryo na gamitin ang oportunidad hindi lamang para sa kanilang sariling pag-unlad kundi para makatulong sa pagtatatag ng mas ligtas at maalagang kapaligiran sa mga paaralan.

“To our scholars: maximize this opportunity. Gamitin ninyo ito hindi lamang para sa inyong sariling pag-unlad, kundi para maging bahagi ng solusyon sa pagbuo ng mas ligtas at mas caring na mga paaralan,” ani Angara. “Sama-sama nating tiyakin na ang bawat bata ay may paaralang ligtas, may malasakit, at may taong handang umalalay sa kanila.”

Siyam na iskolar mula sa Schools Division Offices ng Dumaguete, Tanjay, at Bayawan ang personal na tumanggap ng scholarship award sa ngalan ng lahat ng 230 awardees sa buong bansa, samantalang virtual namang nakiisa ang mga iskolar mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kinilala rin ang University of Negros Occidental–Recoletos bilang kinatawan ng lahat ng aprubadong Delivering Higher Education Institution para sa implementasyon ng LINGAP sa buong bansa.

Idinaos ang seremonya kasabay ng ikaapat na Joint Education Trifocal Management Committee meeting sa Negros Oriental Convention Center. Dumalo rin sina CHED Chairperson Dr. Shirley C. Agrupis at Technical Education and Skills Development Authority Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez, kasama ang mga mambabatas at opisyal ng edukasyon.

Layunin ng LINGAP na madagdagan ang bilang ng mga kuwalipikadong mental health professional sa mga pampublikong paaralan at matiyak na may sapat na suporta para sa kaligtasan, emosyonal na kalagayan, at pangkalahatang kapakanan ng mga mag-aaral.

Reference: Dona Pazzibugan-Porcalla

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *