Pinagtibay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at University of the Philippines (UP) ang kanilang pagtutulungan matapos lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) para palakasin ang kahandaan ng Metro Manila laban sa pagbaha sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pasilidad na imbakan ng tubig-ulan sa loob ng kampus ng unibersidad.
Bahagi ang kasunduan ng Oplan Kontra Baha Initiative ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglalayong magtayo ng 39 na detention basin sa ilalim ng Metro Manila Sponge City Project upang makatulong na mabawasan ang pagbaha sa rehiyon.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng proyekto na pansamantalang ipunin ang tubig-ulan bago ito ligtas na ilabas sa mga angkop na sistema ng drainage.
“Ang nais natin ay magkaroon ng mga lungsod na kayang tumanggap, sumipsip, at pansamantalang mag-imbak ng tubig bago ito ligtas na mailabas,” paliwanag ni Artes.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang mga rainwater impounding facility (RIF) o detention basin sa pagbuo ng isang sponge city—isang konsepto ng lungsod na kayang sumipsip at mag-imbak ng tubig-ulan upang mapabagal ang pagdaloy nito at makatulong na maiwasan ang matinding pagbaha.
Dagdag pa ni Artes, sa pamamagitan ng pagsasama ng mga proyektong pang-imprastraktura at mga solusyong nakabatay sa kalikasan, posibleng mabawasan ang pagbaha habang nakalilikha rin ng mga pasilidad na mapakikinabangan ng komunidad.
Bukod sa naunang natukoy na lokasyon sa pag-aaral ng Dutch engineering firm na Haskoning, pinag-aaralan din ng UP Resilience Institute–NOAH ang limang karagdagang lugar na maaaring paglagyan ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan o rainwater impounding facility.
Samantala, nakikipag-usap na rin ang MMDA kay UP Resilience Institute–NOAH Executive Director Dr. Alfredo Mahar Lagmay hinggil sa posibleng pagpapalawak ng saklaw ng Efficient Flood Control Operating System (EFCOS).
Sa kasalukuyan, sinusubaybayan ng EFCOS ang dami ng ulan sa itaas na bahagi ng Marikina. Sa planong pagpapalawak nito, layong masaklaw ang buong Metro Manila upang mas maagang matukoy ang dami at lokasyon ng pag-ulan.
Ayon kay Artes, maaaring iugnay ang datos mula sa pinalawak na sistema sa Project NOAH upang maisagawa ang mga simulation at matukoy ang posibleng taas ng baha sa mga apektadong lugar. Inaasahang makatutulong ito sa mas mabilis at mas angkop na pagtugon sa mga banta ng pagbaha.
Nanawagan din si Artes ng tuloy-tuloy na pagtutulungan sa larangan ng imprastraktura, pangangalaga sa kalikasan, at agham upang makabuo ng mas ligtas at mas handang Metro Manila.
Sa panig naman ng UP, sinabi ni University President Atty. Angelo Jimenez na nakahanda ang unibersidad na makipagtulungan sa MMDA sa pagtukoy ng mga lugar na maaaring makatulong sa pagpapalakas ng mga hakbang laban sa pagbaha.
Ayon kay Jimenez, magtatakda ang kasunduan ng balangkas para sa kooperasyon sa pananaliksik, teknikal na tulong, pagbabahagi ng kaalaman, pagpapaunlad ng kakayahan, at pagbuo ng mga praktikal na kagamitan at materyales na makatutulong sa pamamahala ng baha.
Inaasahan ding magsisilbing batayan ang pakikipagtulungan ng dalawang institusyon sa pagtukoy ng mga prayoridad at pagbuo ng mga konkretong programa, alinsunod sa kani-kanilang tungkulin at kakayahan, upang higit na mapabuti ang pamamahala sa pagbaha sa National Capital Region (NCR).
Reference: Ferdy Dominic Santos

