Patuloy ang mas mahigpit na pagtutok ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sa mga colorum na sasakyan at mga taxi driver na nangongontrata at naniningil nang sobra sa mga pasahero. Sa isinagawang law enforcement operation sa NAIA Complex kahapon, Oktubre 20, 2026, labing-isang (11) taxi ang nahuli at naisyuhan ng Temporary Operator’s Permit (TOP) dahil sa mga paglabag may kaugnayan sa kanilang prangkisa.
Isinagawa ang operation mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi, kung saan inisyuhan ng TOP ang mga nahuling taxi, bilang bahagi ng kaukulang aksyon ng LTO laban sa mga lumalabag sa mga regulasyon sa pampublikong transportasyon.
“Hindi dapat pagkakitaan ang mga pasahero sa pamamagitan ng paniningil nang sobra o pangongontrata. Dapat patas ang pamasahe at maayos ang serbisyong natatanggap ng bawat pasahero,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
“Isa lamang ito sa mga hakbang ng LTO upang matiyak na sumusunod sa batas ang mga taxi driver at operator. Gagawin namin ang aming tungkulin upang matiyak na maayos ang serbisyo at hindi naaabuso ang mga pasahero,” dagdag niya.
Tinitiyak ng LTO na paiigtingin pa nito ang mga law enforcement operation laban sa mga taxi driver at operator na lumalabag sa mga batas at regulasyon upang maprotektahan ang mga pasahero laban sa pananamantala. Hindi palalampasin ng ahensya ang anumang paglabag at patuloy na magsasagawa ng mga kaukulang hakbang upang matiyak ang maayos na serbisyo sa pampublikong transportasyon at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.
#LTO #LTOPH #LTOPhilippines #DOTrLTO #BagongPilipinas #BagongLTOsaBagongPilipinas #LTOZeroCorruption #TotoongSerbisyoWagNegosyo #NoSettlementPolicy


