Mas pinalalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang oportunidad ng mga Pilipino sa pagsasanay, trabaho at kabuhayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng Train LOKAL, isang pambansang inisyatiba na naglalayong bigyang-kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na manguna sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran ng kasanayang angkop sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Pormal na inilunsad noong Nobyembre 19, 2026 sa Tarlac City, ang Train LOKAL o Localized Opportunities for Knowledge Access and Lifelong Learning ay naglalayong ilapit ang mga programa sa pagsasanay sa mga komunidad at iayon ang mga ito sa pangangailangan ng mga lokal na industriya, oportunidad sa trabaho, at prayoridad sa ekonomiya ng bawat lugar.
Sa temang “A National Commitment to LGU-Led Skills Development,” binigyang-diin sa paglulunsad ang pagtutulungan ng TESDA at mga lokal na pamahalaan upang higit na mapalakas ang lokal na pagpapaunlad ng kasanayan at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Sinusuportahan ng inisyatibang ito ang layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access sa de-kalidad na pagsasanay sa kasanayan at isulong ang inklusibong pag-unlad ng ekonomiya.
Binigyang-diin ni TESDA Secretary Kiko Benitez ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagtukoy at pagtugon sa aktuwal na pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
“Train LOKAL is about making skills training more responsive to the needs of every community. When local governments take the lead in identifying the skills their people need, we can create better pathways to employment, livelihood, and local growth,” ani Benitez.
Dagdag pa niya, “Sa convergence na ito ng TESDA at ng LGUs, mas mapapalawak natin ang skills training sa bansa, mas maraming Pilipino ang mas mapapaangat natin ang buhay.”
Nakabatay ang Train LOKAL sa prinsipyong “From Volume to Value,” na naghihikayat sa mga LGU na magkaroon ng mas aktibong papel sa pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatupad ng mga programa sa technical vocational education and training (TVET) na naaayon sa kanilang kakayahan at lokal na prayoridad.
Samantala, patuloy na magbibigay ang TESDA ng teknikal na tulong, capacity building, mga pamantayan sa kakayahan (competency standards), assessment at certification, gayundin ng quality assurance upang matiyak ang kalidad ng mga programa.
Isa sa mga tampok sa pambansang paglulunsad ang “Challenge to Lead,” kung saan pinagtibay ng mga dumalong local chief executives at kinatawan ng mga LGU ang kanilang pangako na isulong ang pagpapaunlad ng kasanayan sa kani-kanilang nasasakupan.
Nagkaroon din ng mga mensahe ng suporta mula sa mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan at panel discussion na nagbigay-diin sa mga karanasan ng mga LGU at mga oportunidad upang higit pang mapalakas ang mga programang pangkaunlaran ng kasanayang pinangungunahan ng mga lokal na pamahalaan.
Nagbigay ng welcome remarks si Tarlac City Mayor Susan Areno Yap-Sulit, habang inilahad naman ni Tarlac Governor Christian Tell Yap ang karanasan ng lalawigan sa pagtatatag at pamamahala ng Tarlac Center for Learning and Skills Success (TCLASS), na nagsisilbing modelo ng LGU-led skills training.
Nakiisa rin ang mga dumalong LGU sa mga guided benchmarking activity sa TCLASS upang makita at matutuhan ang operasyon, pasilidad, mga pakikipagtulungan, at pagpapatupad nito ng institution-based at community-based training programs.
Upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na maisakatuparan ang kanilang mga pangako, nagkaroon din ng pitong LGU technical assistance desk na nagbigay ng gabay hinggil sa lokal na pagpaplano ng TVET, pagpapatupad ng mga programa, registration and recognition, accreditation ng assessment centers, at iba pang programa at serbisyong hatid ng TESDA.
Kasabay nito, naghatid ang Caravan of Services ng mga impormasyon at serbisyo tungkol sa scholarship opportunities, competency assessment, at employment assistance. Nagsagawa rin ng live skills demonstration sa barista, bartending, at paghahabi upang maipakita ang iba’t ibang kasanayang maaaring malinang sa pamamagitan ng TVET.
Pinangunahan ng TESDA sa pamamagitan ng Community and Local Government Engagement Office ang pambansang paglulunsad ng Train LOKAL, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac at TCLASS.
REFERENCE:
Floramel Joy C. Songsong
Executive Director, Public Information Office

