MGA MAG-AARAL, TUMUTOL SA PANUKALANG SOCIAL MEDIA BAN; HILING SA PAMAHALAAN: PREDATORS, HINDI LEARNERS, ANG BANTAYAN

MGA MAG-AARAL, TUMUTOL SA PANUKALANG SOCIAL MEDIA BAN; HILING SA PAMAHALAAN: PREDATORS, HINDI LEARNERS, ANG BANTAYAN

Mariing nagpahayag ng pagtutol ang Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) sa panukalang blanket ban sa paggamit ng social media, sa idinaos nitong press conference nitong Miyerkules, Nobyembre 4, sa Max’s Quezon Avenue.

Ayon sa SCAP, posibleng lalo lamang palalalain ng malawakang pagbabawal sa social media ang umiiral na krisis sa edukasyon sa bansa dahil maaari nitong limitahan ang access ng mga mag-aaral sa digital learning resources at iba pang oportunidad para sa kanilang pagkatuto.

Binigyang-diin ng grupo na hindi dapat mga mag-aaral ang paghigpitan sa paggamit ng digital platforms, kundi ang mga online predator at groomer na nagsasamantala sa mga kabataan.

Dumalo at nagpahayag din ng kanilang pananaw sa usapin ang mga kinatawan mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila–College of Public Administration Student Council, National Federation of Supreme Secondary Learner Government, Batasan Hills National High School Supreme Secondary Learner Government, at Adamson University–PULITIKA.

Iginiit ng SCAP na mahalagang isaalang-alang ang papel ng social media bilang isang kasangkapan sa pag-aaral, komunikasyon, pagpapalitan ng impormasyon, at pakikilahok ng mga kabataan sa mga usaping panlipunan.

Sa halip na blanket ban, nananawagan ang mga mag-aaral na ituon ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagpapatibay ng online child protection, pagpaparusa sa mga mapagsamantala, at pagpapalaganap ng digital literacy at responsableng paggamit ng internet.

 

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *