Sinimulan na ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang pangangalap ng mga dokumentaryong ebidensya at paghahanda ng kaukulang kasong kriminal laban sa may-ari ng isang pet crematorium na umano’y sangkot sa hindi wastong pagtatapon ng mga labi ng mga namayapang alagang hayop.
Sa isinagawang Zoom meeting ngayong araw, 39 na pet parents ang nakilahok sa pagpupulong kasama ang PAWS. Kabilang dito ang mga pamilyang ang mga alagang hayop ay kabilang sa 25 bangkay na natagpuang itinapon sa isang bakanteng lote sa Bulacan.
Dumalo rin ang ilang dating kliyente ng crematorium na nangangamba na maaaring hindi sa kanilang mga alagang hayop nagmula ang mga abong ibinalik sa kanila.
Sa tulong ng Luna And Furry Siblings at Philippine Animal Rescue Team (P.A.R.T.), nangangalap ang PAWS ng mga dokumento at litrato na magsisilbing ebidensya sa paghahain ng kaukulang kasong kriminal. Kabilang sa mga posibleng paglabag ang mga batas na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran, kalusugan ng publiko, at sanitasyon.
Nag-aalok din ang PAWS ng LIBRENG LEGAL NA TULONG sa mga pet parents na posibleng naapektuhan o naloko ng nasabing crematorium.
Hinikayat ng organisasyon ang mga indibidwal na naniniwalang nabiktima sila na makipag-ugnayan sa kanilang lead volunteer na si Maj sa pamamagitan ng email na **volunteer.maj@paws.org.ph**. Kailangang ibigay ang kanilang pangalan at contact details upang matulungan sila.
Binigyang-diin ng PAWS na walang pet parent ang dapat pagsamantalahan sa panahon ng kanilang pagdadalamhati, at nararapat lamang na tratuhin nang may dignidad at respeto ang mga labi ng kanilang mga minamahal na alagang hayop.
Tiniyak din ng organisasyon na hindi nag-iisa ang mga apektadong pamilya sa paghahanap ng katarungan para sa kanilang mga alaga.

