Pilipinas, isinusulong ang ASEAN TVET agenda sa 2026 Chairship

Pilipinas, isinusulong ang ASEAN TVET agenda sa 2026 Chairship

Sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), isinusulong ng Pilipinas ang isang mas inklusibo, digital at green na technical-vocational education and training (TVET) system sa ASEAN sa pangunguna nito sa mga regional engagement ng ASEAN TVET Council (ATC) bilang Chair ng ASEAN ngayong 2026.

Nakatuon ang mga talakayan ngayong taon sa digital transformation, green skills, at pagpapalawak ng access sa training at trabaho, na naglalayong matiyak na makakasabay ang mga manggagawa at learners sa mabilis na pagbabago ng mundo ng trabaho.

Nagtapos ang serye ng mga regional engagement sa High-Level 5th ATC Regional Policy Dialogue noong Oktubre 21, kung saan pinagsama-sama ng mga regional leaders ang mga rekomendasyon mula sa mga isinagawang dialogue upang maisulong ang mga prayoridad sa ilalim ng ATC Work Plan 2021–2030.

Isinagawa ang mga aktibidad sa ilalim ng tema ng ASEAN 2026 na “Navigating Our Future, Together” at sub-theme na “ASEAN: Skilled for the Future.”

Sa mga naunang talakayan, tinalakay ang epekto ng artificial intelligence (AI) sa trabaho, ethical governance, green economy, at mga paraan upang mas maging handa ang mga manggagawa sa pagbabago ng skills requirements.

Ipinakita ng mga talakayan na mas binabago ng AI ang mga gawain sa loob ng mga trabaho kaysa tuluyang inaalis ang buong occupations. Kabilang sa mga higit na nangangailangan ng suporta sa reskilling at upskilling ang mga kababaihang nasa clerical jobs, kabataang nasa entry-level positions, at mga informal at rural workers na limitado ang access sa retraining.

Para sa mga ordinaryong manggagawa at learners, ang mga regional commitment na ito ay nangangahulugan ng mas maraming oportunidad para sa kinikilalang short courses para sa mga trabahong nagbabago, training na nakaayon sa bagong green at digital jobs, higit na suporta para sa mga kababaihang pumapasok sa technical trades, mas mahusay na on-the-job training, at credentials na kinikilala at pinagkakatiwalaan ng mga employer sa loob at labas ng kani-kanilang bansa.

“Behind every regional framework is a learner who wants a better job and a worker who does not want to be left behind,” ani TESDA Secretary Kiko Benitez.

“Through the ASEAN TVET Council, we have an important platform to turn our shared priorities into concrete actions, so that the benefits of technological and economic transformation translate into better jobs and livelihoods for our people,” dagdag niya.

Isinagawa ang unang dalawang TVET Technical Policy Dialogues noong Agosto 26–27 at Oktubre 20. Tinalakay rito ang epekto ng AI sa mga trabaho, ethical governance, at pagmamapa ng competency standards para sa green economy.

Samantala, sa Regional Knowledge-Sharing Forum noong Oktubre 14–15, isinulong ang pagpapalawak ng access sa TVET para sa mga vulnerable groups, kabilang ang mga kababaihan, at iminungkahi ang TESDA bilang regional hub para sa women’s empowerment sa pamamagitan ng skills development.
Kasunod ng High-Level Regional Policy Dialogue, isinagawa naman noong Oktubre 22 ang ATC Commemorative Event para sa ikaanim na anibersaryo ng Council. Tampok dito ang pagkilala sa Pilipinas bilang inaugural Chair ng ATC mula 2020 hanggang 2022.

Pinagtibay rin ng mga miyembro ng ATC ang Joint Statement of the ASEAN TVET Council, na naglalaman ng mga pangakong palakasin ang integrated green, digital and inclusive transformation ng TVET; women’s economic empowerment sa pamamagitan ng TVET; digital at technology-enabled skills development; evidence-informed skills governance; isang makatarungan at people-centred na transition para sa mga manggagawa; at mas matibay na regional cooperation upang maisalin sa konkretong resulta ang mga regional commitment.

Sa 6th ATC Meeting na sumunod, pinagkasunduan ng mga ASEAN Member States ang mga prayoridad at follow-through actions para sa pagpapatupad ng mga napagkasunduan. Pormal ding kinuha ng Viet Nam ang chairmanship ng Council.

Ang ATC ay unang iminungkahi ng Pilipinas noong 2017 ASEAN Chairship at inilunsad noong Setyembre 16, 2020. Bilang inaugural Chair, tumulong ang Pilipinas sa pagtatatag ng mga institusyon ng Council at paghubog ng ATC Work Plan 2021–2030.

Sa pamamagitan ng 2026 Chairship, ipinagpatuloy ng Pilipinas ang pagsusulong ng kooperasyon sa TVET upang matiyak na ang mga pagbabago sa teknolohiya at ekonomiya ay mauuwi sa mas maraming pagkakataon para sa skills development, disenteng trabaho at mas matatag na kabuhayan para sa mga mamamayan ng ASEAN.

REFERENCE:
Floramel Joy C. Songsong
Executive Director, Public Information Office

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *