TESDA, idinaos ang kauna-unahang TVET assessors convention

TESDA, idinaos ang kauna-unahang TVET assessors convention

Nakabatay sa tiwala ng mga employer sa kakayahan ng mga manggagawa ang halaga ng sertipikasyong mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at nagsisimula ang tiwalang ito sa mga tagasuri ng kasanayan.

Upang matiyak na patas at pare-pareho ang pagsusuri sa kakayahan ng mga manggagawang Pilipino, tinipon ng TESDA ang mga competency assessor nito para sa kauna-unahang National Technical Vocational Education and Training (TVET) Assessors Convention noong Oktubre 15 sa Quezon City.

May temang “Assess. Certify. Empower: Strengthening the Role of TVET Assessors,” dinaluhan ang kumbensiyon ng mga competency assessor, tagapamahala ng mga assessment center, at mga regional focal person para sa competency assessment and certification. Layunin nitong magbahagi ng mga mahusay na pamamaraan, talakayin ang mga umiiral na polisiya at pamantayan, at higit pang patatagin ang etikal at propesyonal na pagganap ng mga tagasuri.

Tinalakay sa kumbensiyon ang mga sitwasyong kinakaharap ng mga assessor sa pagsusuri sa mga kandidato, kabilang ang epektibong komunikasyon at pagbuo ng magandang ugnayan, pagharap sa mga suliraning etikal, at wastong pagsasagawa ng assessment batay sa mga prinsipyo nito at mga tuntunin sa ebidensiya. Sinuri rin ang kalagayan ng mga assessor ng TESDA at ang mga implikasyon ng ASEAN Mutual Recognition sa sertipikasyon ng Pilipinas, partikular sa pagkilala sa mga kwalipikasyon ng mga manggagawang Pilipino sa iba pang bansa sa rehiyon.
“Our competency assessors play a critical role in ensuring that every National Certificate issued by TESDA represents genuine competence and meets established industry standards. Through this convention, we want to further strengthen their professionalism, integrity, and commitment to fair and credible assessment,” ani TESDA Secretary Kiko Benitez.

Para sa mga manggagawa at naghahanap ng trabaho, nangangahulugan ang mas matatag na sistema ng pagsusuri na maaari silang umasa sa patas at pare-parehong pagtatasa ng kanilang kakayahan at na kikilalanin ng mga employer ang kanilang mga sertipiko bilang patunay ng mga kasanayang aktuwal nilang naipamamalas. Para naman sa mga employer at industriya, nagbibigay ito ng higit na kumpiyansa na kayang gampanan ng mga sertipikadong manggagawa ang mga trabahong naaayon sa itinakdang pamantayan. Nagbibigay rin ito ng katiyakan sa publiko na ang sertipikasyon ng TESDA ay sumasalamin sa tunay na kakayahan ng isang indibidwal.

“A strong assessment and certification system gives our workers confidence that their skills are recognized and gives industries confidence that the people they hire can perform to the standards expected of them. By investing in our assessors, we are also strengthening the value and credibility of Philippine TVET,” dagdag ng pinuno ng TESDA.

Patuloy na palalakasin ng TESDA ang pagpapaunlad ng kakayahan ng mga assessor at ang mga mekanismo nito sa quality assurance upang matiyak na mananatiling patas, pare-pareho, at mapagkakatiwalaan ang pagsusuri sa mga kasanayan sa buong bansa.
Bahagi rin ng kumbensiyon ng mga hakbang ng TESDA upang mapahusay ang kalidad ng technical vocational education and training (TVET), kabilang ang idinaos na 8th National Quality TVET Forum noong Oktubre 14, na ginanap din sa Quezon City. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa mga panrehiyong tanggapan ng TESDA, mga institusyon ng pagsasanay, mga katuwang sa industriya, at iba pang stakeholder.

Itinampok sa forum ang mga pamamaraan sa iba’t ibang rehiyon hinggil sa ladderized programs, credit transfer, business incubation, enterprise-based education and training, digital learning, at micro-credentials. Nakatuon ang mga talakayan sa pagtulong sa mga mag-aaral na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa mas mataas na antas, patuloy na malinang ang kanilang mga kasanayan sa buong karera, at makaugnay sa mga oportunidad sa mas mataas na edukasyon at trabaho.

*REFERENCE:*

Floramel Joy C. Songsong
Executive Director, Public Information Office

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *