Agad na nag-isyu ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, laban sa isang GSM Taxi driver na nakuhanan ng video na nagtapon ng basura mula sa bintana ng sasakyan habang nasa pampublikong kalsada.
Batay sa nakasaad sa SCO, inaatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang driver ng GSM Taxi na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Oktubre 15, 2026, para sa isasagawang pagdinig. Inaatasan din silang magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga dokumentong maaaring sumuporta sa kanilang paliwanag kaugnay ng mga alegasyong inihain sa kanila.
Maaaring ideklara ang driver bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle sa ilalim ng Section 27(a) ng Republic Act No. 4136, na maaaring magresulta sa pagsuspinde o pagbawi sa kanyang lisensya sa pagmamaneho. Maaari ring mapatawan ng kaukulang parusa ang rehistradong may-ari o ang driver para sa iba pang paglabag na matutukoy sa isinagawang imbestigasyon.
Bilang paunang hakbang, inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa LTO, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension. Inilagay na rin sa alarm status ang sasakyan upang matiyak na walang transaksyong maisasagawa habang dinidinig ang kaso.
“Walang paglabag na maliit para balewalain, at anumang insidenteng maipararating sa LTO ay agad naming aaksyunan. Hindi lamang maling pagmamaneho ang pananagutan ng motorista, kundi pati ang mga kilos na nagpapakita ng kawalan ng disiplina sa kalsada,” pahayag ni Asec. Lacanilao.
Binigyang-diin ng LTO na ang responsableng pagmamaneho ay hindi lamang tungkol sa pag-iingat sa kalsada at pagsunod sa batas-trapiko, kundi pati sa pagpapanatili ng kalinisan sa mga pampublikong lugar. Inaasahan ang bawat motorista na maging responsable sa kanilang mga kilos, kabilang ang tamang pagtatapon ng basura.
Reference: Shiela Galero

