1.7 TONELADANG SHABU, NASABAT SA LAOS AT THAILAND; PINANINIWALAANG PAPUNTA SA PILIPINAS

1.7 TONELADANG SHABU, NASABAT SA LAOS AT THAILAND; PINANINIWALAANG PAPUNTA SA PILIPINAS

Umaabot na sa halos 1.7 tonelada ang kabuuang shabu na nasamsam sa magkahiwalay na operasyon sa Laos at Thailand, na kapwa umano nakatakdang dalhin sa Pilipinas.

Noong Oktubre 1, nasamsam sa Laos ang 521 kilo ng shabu mula sa isang chartered private jet na pinaniniwalaang patungo sa Maynila. Kabilang sa 13 inaresto ang isang Pilipino.

Samantala, noong Oktubre 7, hinarang naman ng Thai police ang barkong East Harbour 1 sa Gulf of Thailand, kung saan natagpuan sa isang nakatagong compartment ang 1,178 kilo ng crystal methamphetamine na nakabalot sa mga tea bag at nakalagay sa 39 na sako.

Anim na Thai crew member, kabilang ang kapitan ng barko, ang inaresto. Ayon sa Thai police, inamin umano ng mga suspek na ihahatid nila ang ilegal na droga sa Pilipinas.

Sa kabuuan, nasa 1,699 kilo o halos 1.7 tonelada ng shabu ang nasamsam sa dalawang operasyon.

Gayunman, hindi pa kumpirmado kung magkaugnay ang dalawang insidente at kung sino ang inaasahang tatanggap ng mga kontrabando sa Pilipinas.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga financier, organizer, at iba pang posibleng sangkot sa transnational drug trafficking.

Samantala, iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagpapalakas ng intelligence gathering at operasyon upang matukoy at mapigilan ang mga bagong pamamaraan ng mga sindikato sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa Pilipinas.

Kasunod ito ng mga ulat tungkol sa pagkakasamsam ng mga hinihinalang ilegal na droga sa Laos at Thailand na umano’y nakatakdang dalhin sa Pilipinas.

Kabilang sa iniimbestigahan ng PNP ang pagkakasamsam ng 521 kilo ng hinihinalang shabu mula sa isang private jet ng mga awtoridad sa Laos. Inaalam din ang may-ari ng sasakyang panghimpapawid at sinusuri ang mga detalye ng flight nito.

Ayon kay Nartatez, paiigtingin din ng PNP ang intelligence monitoring at pagbabahagi ng impormasyon sa mga katuwang na ahensiya sa rehiyon upang mapigilan ang operasyon ng mga sindikato at hindi magamit ang Pilipinas bilang transshipment point ng ilegal na droga.

Photo.credits:

KhuamSangopDaily
Fidel Illustrisimo
Christopher Suerte Nillas

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *