Sampung personnel ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang kasalukuyang sumasailalim sa hands-on training sa South Korea bilang paghahanda sa planong paglulunsad ng liquid-fueled sounding rocket sa Lal-lo, Cagayan sa 2027.
Ayon sa PhilSA, nagsimula noong Agosto at nakatakdang matapos sa Oktubre 2026 ang pagsasanay ng 10-kataong grupo kasama ang South Korean space company na Perigee Aerospace.
Kabilang sa kanilang pinag-aaralan ang rocket assembly, systems integration, testing, operational procedures, safety protocols, at mga paghahanda para sa planong test launch sa Pilipinas.
Bahagi ang pagsasanay ng SIKLAB: Building Industrial Space Launch Systems Project ng PhilSA. Ginagamit dito ang Blue Whale 0.1 (BW0.1) ng Perigee Aerospace, isang liquid-propellant sounding rocket platform.
Nag-ugat noong 2022 ang pakikipagtulungan ng PhilSA at Perigee Aerospace, habang isinagawa naman noong 2025 ang unang yugto ng hands-on training para sa mga Pilipinong personnel.
Ang rocket na binuo sa kasalukuyang pagsasanay ay inaasahang ipapadala sa Pilipinas para sa karagdagang pagsusuri bago ang planong paglulunsad.
Tinatayang magdadala ito ng locally developed payload na may bigat na humigit-kumulang dalawang kilo at nakatakdang umabot sa altitude na hindi bababa sa limang kilometro.
Susukat naman ang experimental payload ng mga radio signal mula sa mga ground-based source, kabilang ang mga 4G LTE cell tower. Ayon sa PhilSA, maaari itong makatulong sa hinaharap sa pagtukoy ng mga lugar na mahina ang cellular coverage.
Kasabay nito, naghahanda na rin ang mga awtoridad sa Lal-lo para sa aktibidad. Magsasagawa ang PhilSA at Cagayan Economic Zone Authority ng site preparations at community consultations, habang binubuo rin ang safety exclusion-zone plan.
Gagamitin din ang umiiral na imprastraktura sa Cagayan North International Airport upang suportahan ang aktibidad.
Nilinaw ng PhilSA na ang planong 2027 flight ay isang sounding-rocket demonstration at hindi orbital satellite launch.
Layunin ng proyekto na mapaunlad ang kaalaman at kasanayan ng mga Pilipino sa rocket technology, launch operations at safety, at mailatag ang teknikal na pundasyon para sa mga susunod pang rocket launch mula sa teritoryo ng Pilipinas.

