- Naghatid ng karangalan sa Pilipinas si Carlos Antonio Delos Reyes matapos niyang makamit ang Bronze Medal at titulong Best of Nation sa Hotel Reception skill area sa 48th WorldSkills Competition sa Shanghai, China.
Ito ang unang podium finish ng Pilipinas sa prestihiyosong pandaigdigang kompetisyon sa kasanayan matapos ang halos tatlong dekada. Huling nakapagtala ng medalya ang bansa noong 1997 sa Switzerland sa pamamagitan ni Gerrelen Diaz.
Kasama ang kanyang expert na si Nomer Yuzon, kapwa mula sa Lyceum of the Philippines University-Batangas, nalampasan ni Delos Reyes ang mga nangungunang batang propesyonal mula sa iba’t ibang panig ng mundo, na ipinakita ang husay ng mga Pilipinong skilled worker sa pandaigdigang entablado.
Samantala, dalawang iba pang miyembro ng delegasyon ng Pilipinas ang ginawaran ng Medal for Excellence, isang espesyal na pagkilala para sa mga kalahok na nakapagtala ng 700 puntos o higit pa batay sa opisyal na WorldSkills grading scale ngunit hindi umabot sa pamantayan para sa bronze, silver, o gold medal.
Ginawaran ng Medal for Excellence sa Electrical Installations si James Cavin Sayago, isang engineering student mula sa Camarines Sur Polytechnic College, kasama sina Jovencio Panida bilang expert at Eddie Cabaltera bilang coach.
Ginawaran din ng Medal for Excellence sa Graphic Design Technology si Hannah Krystelle Caintic ng TESDA Regional Training Center-NCR, sa paggabay ng kanyang expert na si Demetrio Pable, Jr.
Binati ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Kiko Benitez ang mga kalahok na Pilipino at sinabi niyang ipinakita ng kanilang naging performance sa Shanghai ang kakayahan ng mga Pilipinong skilled worker na makipagsabayan sa pandaigdigang antas.
“More than the medals and distinctions, their performance is a source of inspiration for other Filipinos pursuing careers in technical-vocational education and training. We will continue to provide our skills champions with opportunities to compete, learn, and benchmark their competencies on the international stage,” ani Sec. Kiko.
Ang TESDA ang pangunahing ahensyang namamahala sa WorldSkills Philippines, ang opisyal na plataporma ng bansa para sa pagsusulong ng kahusayan sa kasanayan at global competitiveness sa technical-vocational education and training (TVET).
Isinasagawa ang mga regional at national skills competition at pakikilahok ng bansa sa mga pandaigdigang kompetisyon sa pakikipagtulungan sa mga katuwang mula sa pamahalaan at industriya.
Nagpadala ang Pilipinas ng 11 delegado sa WorldSkills Shanghai 2026 na lumahok sa 10 skill areas: Bakery, Beauty Therapy, Electrical Installations, Graphic Design Technology, Hotel Reception, ICT Network Infrastructure, Mechatronics, Plumbing and Heating, Refrigeration and Air Conditioning, at Restaurant Service.
Ayon sa TESDA, ang paglahok ng Pilipinas sa WorldSkills Shanghai 2026 ay tugon sa direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang global competitiveness ng mga manggagawang Pilipino at isulong ang world-class standards sa TVET.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpapalakas ng TVET, pagpapaunlad ng practical skills, at pagbibigay ng industry-aligned training bilang bahagi ng paghahanda sa mga Pilipino para sa mga trabaho at oportunidad sa hinaharap.
Sa kanyang 2026 State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ng Pangulo ang pagpapalawak ng TVET at skills development, kabilang ang mga inisyatibang naglalayong ihanda ang mga Pilipino para sa employment at mga umuusbong na industriya.
*REFERENCE:*
Floramel Joy C. Songsong
Executive Director, Public Information Office

